Huwebes, Abril 11, 2013

Pagsusuri :)





Pagsipat-Peminista ni Rizal sa Katauhan nina Maria Clara, Salome at Sisa
            Ang kakaibang paraan ni Dr.Rizal sa Pagbuo ng Ideya, Persepsiyon, Pananaw, Obserbasyon at Pagsusuri ay talaga namang kahanga-hanga.  Ang Pananaw ni Dr. Rizal sa mga Pilipino ay nagkaroon ng malaking epekto sa pagbuo ng katauhan at pagkakakilanlan ng mga Pilipino. Kung ating susuriing mabuti malalaman natin na sa mga akda ni Dr. Rizal inilarawan at binigyan niya ng simbolismo ang mga kaugaliang kaniyang naobserbahan sa mga mamayang Pilipino. Isa na nga rito ay ang pananaw ni Dr. Rizal sa mga Dalagang Pilipino sa kaniyang Panahon.
 Ayon kay Franco (2009) Mahihinhin, Malalambing at Mababait ang paglalarawan ni Dr. Rizal sa mga kababaihan noong kaniyang panahon. Nakita niya rin ang mga implikasyong ito sa isang Babaeng Pilipina palagiang pagsunod sa awtoridad nang walang pagkwestyon, na siyang nagiging dahilan naman ng pananatiling ignorante. Ang Pag-aaral noong panahon ni Dr. Rizal ay ipinagkait rin sa mga Pilipina na taliwas sa mga nakita niya sa mga pinuntahang lugar partikular na ang Alemanya. Hindi naging maganda ang naging unang pananaw ni Dr. Rizal sa mga Kababaihang Pilipina sa kaniyang panahon sapagkat kaiba ito sa mga  naobserbahan niyang kilos at pamumuhay ng mga babae sa Alemanya. Ayon parin kay Franco (2009) Naobserbahan raw ni Dr. Rizal na sa bansang Alemanya raw ang mga kababaihan ay mga babaeng palaban, ang iba ay mas brusko pa ngang kumilos kaysa sa mga lalake. Sila rin ay seryoso at masipag sa pag-aaral, at hindi nila masyadong pinapahalaghan ang kanilang panlabas na itsura, gaya ng kanilang mga damit o mga alahas sa katawan. Naikumpara ni Dr. Rizal ang mga Kababaihang Pilipina sa mga taga-Alemanya. Batay kay Dr.Rizal ang mga kababaihang Pilipino sa halip na pag-aaral at pagkatuto ang kanilang kinahuhumalingan, ay mga bagay na patungkol sa damit, mga bagay na materyal ang iniintindi. Gayun din niya tinignan ang mga babae sa sentro na para bang hindi raw mabubuhay ng walang tumutulong sa kanila kahit pa sa pagbubukas lamang ng payong.
            Ang pananaw na ito ni Dr. Rizal ay nagbago ng mabasa at mabalitaan niya ang tungkol sa liham ng mga Kababaihan ng Malolos. Ngunit, Ano nga ba ang laman ng liham na nagpabago sa pananaw ni Rizal? Ayon kay Rizal ang mga kababaihang taga malolos ay mayroong mulat na kaisipan sa tunay na sitwasyon at kalagayan ng bayan. May mga kababaihan na raw pala na nakakaunawa ang relihiyon ay hindi lang pagdarasal, pagnonobena, pagrorosaryo at paghawak ng bibliya ngunit mas mahalaga
ang pagkakaroon ng magandang ugali, matibay na paninindigan, tuwid na panghuhusga at ang pagkamasunurin ay hindi lamang sa mga prayle kundi ang pagsunod din sa kung ano ang makatwiran at tama. (David, 2006) . Ang mga kababaihang taga-Malolos ay may mga kaya sa buhay  kaya’t kung iisipin bakit pa nila gugustuhing matuto ng Espanyol? Bakit pa nila ninais ang Edukasyon? Dahil rito nagbunga lalo ng kasiyahan kay Dr. Rizal ang mga naganap na ito. Ang liham rin ni Dr. Rizal ay nagpatibay na ang mithiin sa karunungan ng mga Kababaihan ng Malolos ay patunay na mulat na sila sa kanilang tunay na tungkulin sa Inang Bayan.
Alam din naman natin na si Dr. Rizal ay nagkaroon ng mga babaing karelasyon. Kanino pa ba niya malalman, makikita at maoobserbahan ang katangian ng isang babae? Ang mga mabubuting katangian ng isang babae para kay Rizal ay matatagpuan din sa mga babaeng minahal niya. Halimbawa ay kay Nelly Bousted na matalino at may malawak na pananaw sa buhay kay Josephine Bracken naman ang kakayahan sa pagtitiis at disiplina sa sarili. (Franco, 2009) Hindi rin natin maitatanggi na Ang Pinakamamahal na Ina ni Dr. Rizal ang pangunahing pagkakakilanlan niya sa isang babae. Ang inang si Donya Teodora Alonzo ay ang mapagmahal, mapag-aruga, mapagkalinga at naging guro mismo ni Dr. Rizal. Gayun din ang isa pang babae na mahalaga sa buhay ni Dr. Rizal at sinasabing pinakmamahal niya higit sa lahat ay si Leonor Rivera. Sino nga ba si Leonor Rivera?  Ayon kay Bautista (2008) Isang magandang dalagang pinsan ng ating pambansang bayani na taga-Camiling, Tarlac. Unica hija o tanging anak ng mag-asawang Antonio Rivera at Silvestra Bauzon. Mahinhin kumilos. Maputi o flawless ang kutis ni Leonor Rivera. May katangi-tanging kagandahan. Kaakit-akit at maganda ang kanyang tindig bagamat may kababaan nang kaunti. Matalino at may maliwanag na pagkukuro.
                        Ang mga Pananaw na ito ni Dr. Rizal sa Mga Kababaihan ang naging pamantayan ng kanyang Pananaw na Peminista sa nobela niyang Noli Me Tangere. Dahil nga sa pagiging mapagmasid at mapanuri ni Dr. Rizal nailapat niya ito sa pagbuo ng mga tauhan sa nobela. Kung pag-aaralan mabuti iba’t-iba nga talaga ang maaring madapuan at maparinggan ng nobela ni Dr. Rizal. Ito ay maaring maging tungkol sa mga tao, kilos, lugar, tradisyon, relihiyon, sitwasyon at mga pangyayari.
            Malalaman natin sa Pagsusuring ito kung paano pinagbatayan ni Dr. Rizal ang kaniyang sariling mga naranasan sa pagbuo ng katauhan ng tatlong kababaihan sa nobela, sina Maria Clara, Sisa at Salome. Ang Peminismong pananaw ni Dr. Rizal sa tatlong (3) napiling tauhan ang ating pokus sa Pagsusuri. Bago pa man patuloy na pasimulan na ilatag ang mga datos, atin munang alamin kung ano ba ang salitang Peminismo? Peminismo ang mga kababaihan ang nasa sentro ng kwento. Dito ipinapakita ang kahinaan, kalakasan, at maging katayuan nila sa lipunan (Gallardo, 2013). Samaktwid ang Peminismo ay tumutukoy sa Babae at wala ng iba pa. Ating aalamin kung paano nilikha ni Dr. Rizal ang tatlong tauhan na mayroong pananaw ng Peminismo.
Si Mari Clara Delos Santos
            Ang istruktura ng salitang Maria Clara sa pagiisip ng karaniwang Pilipino ay Mahinhin, Kimi, hindi makabasag pinggan, Tahimik, Maganda at Masunurin. Ganyan ang ating konstruksyon ng salitang iyan na palagi nating naririnig na ginagamit ng mga matatanda. Sino nga ba ang tunay na Mari Clara? Sa nobelang Noli Me Tangere siya ay ang kasintahan ni Crisostomo Ibarra na Anak nina Donya Pia Alba at Padre Damaso na Pinalaki naman nila Kapitan Tiyago at Tiya Isabel.  Si Maria Clara ay galling sa mayamang pamilya, may kapangyarihan at tanyag sa lipunan. Maraming mga Kalalakihan ang nahuhumaling sa kanyang kagandahan. Ngunit, ang tunay na Mari Clara ay nagtatago sa likod ng kayang pamapay at panyo. Paano? Sapagkat siya ay masunuring anak, imbis na gawin ang mga nais ay nakakulong na lamang sa alituntuning itinakda ng kaniyang lipunan. Si Tiya Isabel na nagaalaga kay Maria ang nagnanais na matupad ang kaniyang pagmomongha. Karagdagan pa nito ang Kabanatang Suyuan sa Asotea rin ang nagpakita ng isa pang tagong paguugali ni Maria Clara ang pagiging malambing nito na siya pang nangunguna sa Pagyakap kay Crisostomo Ibarra. Kapansin-pansin din ang kababaang loob ni Maria Clara ng tulungan niya ang isang ketongin sa labas ng simbahan. Ibinigay niya rito ang kaniyang kwintas na may agnos na ibingay ni Kapitan Tiyago sa kanya. Si Maria Clara ay naglalarawan sa isang matapat na kaibigan para sa mga kasakasama niyang sina Andeng, Sinang at Victoria. Isa lamang ang hindi gaanong napansin kay Maria Clara siya ay hindi nagbibigay ng opinsyon tungkol sa simbahan o sa pamahalaan. Si Maria Clara ay naging representasyon ng mga babaeng sumusunod ayon sa sinsabi ng kaniyang lipunan.
Si Salome
Si Salome ay isang ulila, mahirap, karaniwang miyembro ng lipunan, indio kung tawagin, subalit mapangahas, matatag, matapang, may paninidigan at sumusuong sa anumang hamon ng buhay. Ang mga pangyayari sa buhay ni Salome ang nagpapakita kung sino talaga siya. Paano? Nakatira siya tabing ilog, mag-isa lamang siya at walang kasamang pamilya. Sa kabila ng paghihirap naghahanapbuhay siya para matustusan at mabayaran ang utang na iniwan ng kaniyang mga magulang. Karaniwang pananamit para sa isang dalagang nakatira sa tabi ng ilog tagpi-tagpi at may sulsi. Sa kabanata 25 Ipinakita ni Salome na tapat siya sa pag-ibig ni kay Elias, sapagkat hinayaan niya ito na gawin ang kaniyang tungkulin. Bago pa man magananap ito pinapangarap na ni Salome ang simpleng pamumuhay kasama si Elias, gusto niya na lumayo na lamang sila para bumuo ng isang masayang pamilya. Ang mga pangarap na ito ni Salome ay naglaho ng magdesisyon si Elias na gawin ang kaniyang tungkulin. Nanatiling nakatayo, nakatitig sa mga mata ni Elias ang matapang na si Salome. Ipinakita niya na handa siyag ibigay ang lahat para sa kaniyang matapat at disiplinadong pagibig. Ang karakter ni Salome ang nagbigay ng magandang hamon para sa karakter ni Elias sapagkat sa Kabanata X nga ipinakita ang matinding pagibig ng dalawa para sa isa’t-isa. Hindi man naging matagumpay ang para sa kanilang dalawa ay nakayanan nila na ipagpatuloy ang buhay kahit pa sa naudlot na pagibig. Naging matagumpay ang paghihiwalay ng dalawa hindi ito humantong sa mga maaksiyon at mahirap na hiwalayan. Dito ipinakita ni Salome ang kaniyang tunay na katapangan at katapatan para sa pagibig. Si Salome ay larawan ng isang matapang na Pilipina na handa ring isakripisyo ang bahagi ng buhayp para sa kaninyag mahal na bayan.
Si Narcisa
            Si Narcisa ay ang ina ng dalawang Sakristan na si Crispin at Basilio. Pedro naman ang pangalan ng kaniyang asawa. Si Pedro ay sugarol, sabungero at amang walang pagmamahal para sa pamilya. Subalit dahil sa pagmamahal nanatiling Martir si Sisa sa lahat ng pananakit ng kaniyang asawa.  Sa kabila ng mga pananakit ng asawang si Pedro nagpapakita pa rin siya ng lubos na pagmamahal sa kanyang mga anak. Hindi natahimik hanggang mahanap at muling makasama ang kanyang mga nawalay na anak. Isang gabi nga noon ay ipinaghanda ni Sisa ang kaniyang mga anak dahil alam nito na uuwi ang mga ito kasamaang palad ay kinain ito ng kaniyang asawa na si Pero bigla na lamang itong dumating at inubos ang inihanda para sa mga anak. Hindi nanlaban si Sisa sa ginawa ng asawa, mapalad na lamang siya dahil hindi siya nabugbog nito. Hindi nalaman ni Sisa ang tunay na ngyari sa mga anak ng gabing iyon dahil hindi naman inilahad ni Basilio ang mga totoong pangyayari. Kinabukasan ay nagpunta siya sa Simbahan at nagulat na lamang dahil wala raw doon ang anak na si Crispin. Hindi makapaniwala si Sisa sa ibinibintang nilang ginawa ni Crispin pero mas masakit para sa kaniya na hindi na niya malaman kung nasan na ang kaniyang anak. Napailalim ang katauhan ni Sisa sa isang lipunang Patriarkal, may asawa nga wala naming nagagawa at halos hindi na talaga niya masandalan sa buhay. Ang mga pangyayaring ito sa buhay ni Sisa ang nagdulot sa kaniya ng malaking depresyon. Isang ina na nagmahal ng labis sa mga anak ang tuluyang nawala sa katinuan ng mawala rin ang kaniyang mga anak. Si Sisa ay naging representasyon ng mga dakilang ina sa lipunan na nagbigay ng tunay na kahulugan ng pagiging ina sa batayan ng pagmamahal sa kaniyang pamilya.
            Dinamiko, Kakaiba ang pagkakabuo at talagang may importansiya sa lipunan ang mga kababaihan sa nobela ni Dr. Rizal. Ito ay naglarawan sa mga tunay na babae sa kaniyang panahon maging sa kaniyang personal na buhay. Hindi lamang nagpokus si Dr. Rizal sa isang anyo ng babae sa halip ay ipinagyaman niya ng hulma sa bawat isang babae sa nobela. Ipinakita ni Dr. Rizal ang kaniyang Pananaw Peminismo sa nobela batay sa kung paano niya hinulma ang mga tauhan sa nobela. Hindi maikakaila na may lawak at kakaibang dimensiyon ang pagtingin ni Dr. Rizal sa mga kababaihan hindi lamang sa iisang anggulo bagkus sa lahat. Sa aspekto ng pagiging mayaman, mahirap, may katayuan sa lipunan, simpleng Ina, simpleng babae, at sa kalagayan ng isang babaeng umiibig. Hayag ding ipinakita ni Dr. Rizal ang tunggalian sa katauhan nina Maria Clara at Salome sapakat ipinakita niya rito ang dalawang magkaibang pagtingin sa isang babae panlabas, panloob at sa paguugali. Kabahagi pa rin ng paglalarawan at representasyon ni Dr. Rizal ang panahon bago dumating ang kolonyal at inihayag nga niya ito sa katauhan ni Sisa. 
            Aking Iuugnay ang tatlong katauhang aking sinuri sa tatlo ring pinakamahalagang babae sa buhay ni Rizal. Unahin nating suriin ang katauhan ni Maria Clara masasabi na siya ay may pagkakatulad kay Leonor Rivera dahil sa ilang mga pangyayari. Ipinakasal kay Henry Kipping na ipinilit ng ina ni Leonor Rivera. Si Maria Clara naman ay pinipilit ng kaniyang ama na si Padre Damaso kay Linares. Namatay si Leonor Rivera matapos ipanganak ang pangalawang anak kay Kipping samantalang si Maria Clara na hindi natuloy ang kasal kay Linares ay nauwi sa pagmomongha at hindi kalaunan ay nagkasakit at namatay. Ayon nama kay Bautista (2008) si Leonor Rivera ay ang Maria Clara sa Noli me Tangere sapagkat para rito raw ang sulat ni Crisostomo kay Maria Clara. Ang liham na ginawa ni Rizal sa katauhan ni Ibarra ay para talaga kay Leonor Rivera at ang mga pangyayari sa Suyuan sa Asotea ay tungkol sa pagpapahalaga niya sa mga alaala ng walang hanngang pagibig kay Leonor Rivera.
            Pangalawa ay si Salome at Josephine Bracken, Paano? Hindi ba’t si Rizal ay namatay na gumagawa para sa bayan? Gayundin sa kaso ni Elias na kasintahan naman ni Salome, namatay na hinahanap ang kalayaan at sagot sa problema ng bayan. Ang pinagkaiba lamang ng dalawa ay nagpatuloy ang pagibig ni Rizal at Bracken na pinatunayan ng isang tula na ginawa ni Rizal para sa iniibig. Ang pagibig nila Rizal at Bracken ay dumaan rin sa maraming pagsubok sapagkat ang bata pang si Josephine ang naging nurse sa may mga sakit sa panahon ng digmaan. Tintulungan niya si JOE (Dr. Rizal) sa mga pangagamot nito sa mga sugatang kababayan. Hindi rin sila ikinasal noong nasa dapitan pa lamang sila, kaya’t sila ang nagkasal sa isa’t isa. Nagsama silang parang magasawa noong nasa dapitan pa lamang sila. Karagdagan pa nito ay ang panahon kung saan si Dr. Rizal ay binaril na, naiwang magisa si Josephine dahil sa namatay rin ang kanilang anak. Sa kabilang banda si Salome na magisa sa matagal na panahon umasang pipiliin siya ni Elias subalit nagkamali siya naiwan pa rin siyang magisa at umuw na sa bayan ng Mindoro. Magkagayon man ay matapang hinarap ng ni Salome ang buhay sapagkat sanay na naman siya na magisa. Ang dalawang babae na ito sa magkaibang panahon ay nagkaroon ng pagkakapareho sila ay may angking tapang at paninindigan.
            Pangatlo ay si Sisa at ang inang Si Dr. Teodora Alonzo na parehong may hindi matatawarang pagibig sa kanilang pamilya. Bata pa lamang ang magkakapatid na Rizal ay alagang alaga na sila ng kanilang Ina, at siya ay naging guro pa ni Rizal mismo.siya rin ay direktang tumutulong sa kanilang pangkabuhayan at nagpaplano para sa kanilang gastusin sa araw-araw. At isa pa rito ay yung pagpilit palakarin si Donya Teodora Alonzo ng nakapaa mula Calamba hanggang sa Sta. Cruz dahil sa pinagbintangan siyang kumamkam sa sariling lupain.Pinahirapan ng husto ang ina ni Dr.Rizal upang magisa itong humarap sa mga problema ng kanilang pamilya.  Gayundin ang Makita niya mismo ang pagpapahirap sa kanyang anak na s Dr. Rizal ng barilin ito sa Luneta. Sakripisyong matatawag ang lahat ng ginawang ito ni Donya Teodora para sa kaniyang pag-ibig sa pamilya. Hindi man naging baliw si Donya Teodora tulad ni Sisa naging malapit pa rin ang kwento ng dalawa. Sa buhay naman na kinaharap ni Sisa sa pagkawala ng anak, ang pagpapahiya sa kaniya ni Donya Consolascion at ang paglalakad lakad niya sa bayan ng San Diego para sa paghahanap sa mga nawawalang anak. Ang pagmamahal na ipinakita ng kaniyang pagaalaga at pagaaruga sa mga anak. Nawala sa pagiisip si Sisa dahil sa labis na pangungulila sa mga anak, samantalang nagpatuloy ang buhay at paglaban para kay Donya Teodora na naging inspirasyon ang anak niyang si Dr. Rizal.
            May iba-iba tayong pananaw kung papaano natin nakikita ang katauhan ng mga tao sa paligid natin. Pero katulad ni Dr. Jose Rizal napakayaman ng kaniyang mga akda na kinakitaan ng mga pangyayari sa kaniyang tunay na buhay. Mga pangyayari na pwdeng magugnay bago ang nobela, habang ginagawa ang nobela, matapos ang nobela at pati na rin ang matapos ang buhay ni Dr. Jose Rizal. Ang pananaw ng ating bayani sa kahalagahan ng mga babae sa lipunan ay sinariwa, nilarawan at inirepresenta niya ayon sa kaniyang mga karanasan, nabasa, naobserbahan at nakasalamuha. Sa ginawa niyang nobela hindi siya nagpokus sa isang kasiraan o kataasan ng isang babae lamang bagkus ipanakita niya ito sa iba’t-ibang paraan at mga tauhang babae. Masasabi ko na hindi lamang ang mga pangyayari sa nakaraan ang maaring iugnay sa mga kababaihan sa nobela maging sa hinaharap. Inilalarawan pa rin ng mga ito ang mga babae sa kasalukuyang panahon. Kumbaga ang nobela ni Rizal para sa akin ay maaring Makita sa lahat ng edad, panahon at pangyayari kung bubukasan mo lamang ang iyong mga mapanuring mata. 

Linggo, Abril 7, 2013

pasimula

bakit ko nga ba ginawa ang blog na ito? actually gusto ko talaga na maibahagi ang mga personal na karanasan ko sa aking buhay. . .  hihi bakit? kasi alam ko. alam ko na kakaiba ang buhay ko paano ko nasabi? dahil Diyos ang bumubuo nito.. Siya ang nagbabago at nagdidisenyo.. :)
gusto kong maibahagi ang aking kakaibang buhay :0 bakit? para makapaginspire ng iba, para mapakilala sa mga tao ang Diyos na bumuo ng buhay ko :)
sa ngayon ayan muna.. <3